Ayoko na muna ng mga English na tirada. Gusto kong maipahayag ang sarili ko sa kung paano at saan ako mas komportable, kung saan mas madarama ng bawat indibidwal dito ang bawat salitang idinidikta ko dito. Gusto ko lang maunawaan nyo 'tong lahat. Medyo iba ang dating siguro neto para sa iba, pero eto talaga yun.
Marunong ka bang makuntento kahit konti lang? Kaya mo bang sabihin na sapat na yung nagawa mo? Masasabi mo bang yan lang talaga yun at kaya mong unawain yun base sa mga pinaggagagawa nya o sa mundong ginagalawan nya? Paano kung iba pala ang pananaw nya para dyan? Hindi rin natin masisisi ang ilan sa mga ating nakakasalamuha sa bawat paglalakbay na ating tinatahak sa bawat araw na lumilipas. Hindi ko alam kung bakit kasi big deal sa mga magulang ko yung grades na nakuha ko ngayong semester. Aminin man natin, di ko nakuha yung markang matataas at nakakapagpabilib sa kanila tulad nung mga nakaraan pero sa kasamaang palad, di na ulit nangyaring muli. Nabigo ko sila sa pagkakataong 'to, pero parang ang laki ng mawawala sa akin. Hindi naman dapat sa mga pinagkakaabalahan ko dapat isisi ang mga ito. Tao lang po ako, hindi ako napakaperpekto na kailangan ay ma-maintain ang bawat bagay na nagagawa ko.
Filipino1 - 1.75
GenPsyc - 1.75
Operating System - 1.50
Operation Research - 1.50
Web Programming - 2.25
Accounting - 2.50
Software Engineering - 3.00
Advanced Database - 3.00
GWA: 2.19
Yan yung mga resulta ng masasabi ko namang pinaghirapan ko. Hindi ko lang alam kung bakit sobrang nadidismaya sila nang sobra-sobra. Gusto kong magpaliwanag at ipaunawa 'to, pero wala akong pagkakataon para doon. Inuunahan nila ako at nagbibigay agad ng kanilang konklusyon. Nasanay siguro sila na naging DL(Dean's Lister) ako ng dalawang beses. Pero may mga bagay naman talaga na di talaga makukuhang muli kahit na ipilit at pagpursigihan diba? Ayokong ipakitang maging mayabang ako, may pride lang ako, pero 1.48 GWA ko nung 1st year/1st sem at 1.41 naman nung 1st year/2nd sem. Di gaanong kataasan pero maipagmamalaki ko lalo sa pamilya ko. Nung mga sumunod na sem, na-maintain ko naman kahit papaano at nakaakyat ng entablado para makuha ang mga gantimpala na karapat-dapat para sa akin. Nakakatuwa at may halong emosyonal ang mga ganung scenario. Kung pwede lang sana e ganun palagi para naman maging proud sila sa akin.
Mahal ko ang musika. Walang makakapagpabago dun. Dito siguro humubog ang aking pagkatao. Isa rin 'to sa mga nagiging inspirasyon at pinanghuhugutan ko. Ito rin ang nagiging boses ko, nagbibigay motibasyon, pampawi ng lungkot ko, nagbibigay saya at kung anu-ano pang emosyon. Alam kong ganun din kayo pero sa ibang mga pamamaraan siguro. Namulat ako sa mundo ng paggigitara, pagsusulat, maging sa pagbabanda, hanggang sa tumugtog sa iba't-ibang entablado at baryo. Hindi ako kagalingan, pero may sapat na karunungan ako para ihayag ang sarili ko sa pamamagitan ng tunog na nagagawa ko. Hindi naman mahalaga sa akin kung may mas magaling sa akin o mas magaling ako sa kanila. Ang importante sa akin ay nailalabas ko ang bugso ng aking damdamin sa pamamagitan nito kasama ng mga kabanda ko at sa mga nakakasabay ko. Hindi lang naman ito ang mundo ko eh. Nagkataon lang na nabibigyan ko ito ng oras pero hinding-hindi ko nakakalimutan ang edukasyong binibigay sa akin, PAG-AARAL sa madaling salita. Pero Rakenrol pa rin palagi!
Nahirapan talaga ako ngayong semester, pero pinipilit kong makayanan ang lahat para lang makapasa sa mga subjects ko nun. Alam kong hirap ako, pero kakayanin ko! Pinili ko kasing tahakin ang ganitong larangan eh. Wala namang ibang nag-udyok sa akin para gawin ang ganitong hakbang, sarili ko lamang. Napagtuunan ko rin ng pansin ngayon ang pagbabanda pero hindi naman ito napapadalas. Alam ko kung saan at kailan ko ilulugar 'to dahil mas priority ko ang bagay na kahit kailanman ay hinding-hindi maaagaw ng kahit sinuman sa akin pagdating ng panahon. Alam naman ng mga kaklase ko kung paanong hirap ang ibig kong sabihin eh. Siguro nga masasabi nilang lakwatsa ang ginagawa ko kung madalas e lalabas ako ng bahay. Pero hindi, tinatakasan ko lang minsan yung problema ko. Sinusubukan kong bawasan ito ng paunti-unti at itutuloy muli pagbalik sa tahanan. Sila yung barkada, na nakakapagbigay saya sa akin sa mga oras na akala mo wala talaga akong dinadalang mabigat na pinapasan. Sa saglit na kasiyahan na iyon, napapawi kahit papaano yung mga yun. Sa pamamagitan ng pagtambay, nakakatulong din pala. Hindi kami nag-aadik, o gumagawa ng mga walang ka-kwenta kwentang bagay. Nagiging inspirasyon ko rin itong mga taong 'to para sa mga pinaggagagawa ko sa loob ng paaralan.
Napapadalas yung pag-uwi ko ng kinabukasan, inuumaga na, nahuhuli ng uwi dahil naman yun sa mga overnight na nagaganap para tapusin ang dapat tapusin. Kasama na rin dito ang pagtambay kasi sobrang nade-depress at stress ako sa mga nangyayari lalo na sa pag-aaral. Sana maintindihan din nila tayo kasi alam kong naiintindihan nyo rin ito. Hindi ko naman gusto ang pagpapadalas ng ganung bagay eh. Mahirap din talaga kasi pero kailangan talaga. Sa pagbabanda naman, hindi naman kami laging nagkikita eh. Nagkakausap kami e pag merong kelangan gaya ng tugtog o kaya ensayo para sa mga darating na event. Hindi naman kami gaya ng mga tanyag na musikero na halos araw-araw ay nasa mga entablado para magbigay ng tunog at ingay sa tenga ng mga makikinig at manonood sa kanila.
Iba ako, alam ko kung ano ang dapat unahin at alin ang dapat pahalagahan. Basta nung Finals, defense na kasi namin sa dalawang major subjects ko nun. Ginawa namin ang lahat at pinakita kong kaya ko iyon. Hindi ako nag-aasam ng mala-perpektong resulta pero sabi naman ng propesor ko "Basta alam mo yung ginagawa mo, walang problema dun. Ipaglaban mo lang dapat." Nakahinga rin kami nang maluwag, para bang nabunutan ng tinik nung natapos yung defense namin. Nakakagaan sa pakiramdam kapag ganun.
"Better 3.0 than 5.0" sabi nga ng iba.
Dumating yung araw na para kuhain yung mga grades ko nun. Maraming tumatakbo sa isip ko nun. Nanaginip kasi ako bago yung araw na yun eh. Binagsak ko daw yung dalawang major subjects ko na yun. Di na ako mapakali lalo na nung papalapit na ng papalapit yung araw na yun. Nandun na ako, konting hakbang na lang at makukuha ko na ang mga grado ko. Dahan-dahan kong ibinuklat ang papel na yun. HIYON!!! Laking gulat ko na nakasabit pa ako. Sobrang nagpapasalamat talaga ako nun sa mga dapat pasalamatan. Nung paglabas ko na lang ng paaralan ako sumigaw. YES! YES! YES!!!! parang ganyang yung tema. Pagdating ko sa bahay, kasalungat ang reaksyon ng ilaw ng tahanan. Bakit daw ganun? Nagalit din daw erpats ko nung nalamang ganun ang naging resulta. Sinubukan kong magpaliwanag pero hindi talaga tumalab. Maswerte pa nga ako at hindi ako bumagsak at nagpapasalamat pa nga ako at hindi yun ang naging kapalaran ko gaya ng iba. Pinagbubutihan ko naman ang lahat para lang maging maganda ang kalabasan.
Nariyan na ang haligi ng tahanan, matinding ratrat ng bala ang tinamo ko. Para na naman akong nakikipag-argumento sa isang matinding panelist na mahirap paamuhin dahil sa ubod ng panggigisa gaya ng nararanasan sa defense. Isinisisi sa pagtutugtog ko, barkada ko, at kung ano pa yung ibang pinagkakaabalahan ko. Gusto kasi nila sa isang bagay lang ako naka-focus. Pero paano ko magagawa yun? Mas epektibo nga ba kapag ganun yung ginawa ko kung sakaling pag-aralin pa ako ngayon? "Hindi siguro yan ang solusyon" sabi ko sa sarili ko. Hindi rin naman ako makakapalag kung sasagot pa ako kasi hindi rin naman ako magkakaroon ng pagkakataon para makapagpaliwanag at ihayag ang aking sarili. Wala. Wala na. Wala na akong pagkakataon. Mauuwi lang din sa wala. Masasayang lang ata ng hininga at laway ko kapag nagbitaw ako ng salita para kumbinsihin sila sa ganito. Gusto nilang bitawan ko ang lahat ng meron ako at magtuloy sa pag-aaral kung saka-sakali. Patas nga ba ang laban? Makatarungan kaya ang tema nito para sa akin. Kung kayo nasa kalagayan ko, matatanggap mo ba kung ganito ang kahahantungan mo? Kung hindi ko daw kaya, wag na daw ako magtuloy. Kaya ko naman, nahihirapan lang ako. Wala akong sinabi na hindi ko kaya. Hangga't kaya ko, ilalaban ko pa rin kahit maubos man paisa-isa ang hibla ng buhok ko. Kahit magpatong-patong pa ng ilang layer ng eyebags sa mga mata ko. Lumalim man ang mata ko kada-araw na lilipas. Pero hinding-hindi ko pwedeng bitawan yung mga bagay na nakakapagpasaya sa akin kahit minsan ko lang 'to pagtuunan ng pansin. Eto at sila yung mga nagbibigay lakas sa akin para harapin yung mga pagsubok na meron ako.
This is how the punk that used to be. I'm making a statement. Di pa ito yung pangkalahatan, pero ibinuod ko na lang. Maiintidiha't mauunawaan nyo na rin yan kahit papaano diba? Ayokong magmukhang drama ito kapag nabasa nyo 'to. Gusto ko lang sana ilabas 'tong nararamdaman ko dahil hindi ko na talaga kayang pigilan. Kayo na ang bahala kung katawa-tawa ito, korni, kadramahan para sa inyo ang ginawa kong ito. Hindi man ako ganun katalino o ka-henyo gaya ng iba, pero makikipagsabayan ako taglay ng karunungan na meron ako at sa pamamagitan ng diskarte, sa paraang alam kong ito ang nararapat. Inaalay ko itong pahayag na ito para sa mga kaibigan ko, kabarkada ko, mga kabanda ko, sa mga inspirasyon ko, nakasalamuha sa pang-araw-araw, sa ibang mga makakabasa nito, sa mga magulang ko, at lalong lalo na kay Bro. Saludo ako sa inyong lahat. Kayo na pong bahala sa lahat ng aking mga naisiwalat.